Wednesday, July 2, 2014

His name is Simon

Anim na araw sa isang linggo akong pumapasok sa trabaho.

At sa tuwing pumupunta ako sa opisina,hindi ako nagpapahatid sa tapat ng bakod ng kompanya.

Bumababa ako sa may eskinita (oo,eskinita….dahil ang opisina namin ay matatagpuan sa may papasaok na eskinita katabi ng akala mong  punong mangga ngunit kaimito pala).

Bumababa ako sa may eskinita at nilalakad ko nalang ang papasok sa minsan ay maputik na daan.
Ginagawa ko iyon anim na beses sa isang linggo (liban nalang kung may holiday) upang utuin ang aking sarili na kahit paano ay may ehersisyo akong nagagawa.

Maulan man o mainit at kahit na malelate nako, walang paltos na hindi ako nagpapahatid papasok.
Matatag ang aking paninindigan sa kahalagahan ng paglalakad bilang isang mabisang ehersisyo (gaano man kalapit o kalayo)

Ngunit mukha yatang mag iiba na ang aking pananaw tungkol sa palakad lakad kong nalalaman, nitong mga nakaraang araw, napapansin kong palaging may nakaabang sa gate ng aming kapitbahay (kapitbahay ng opisina namin)

Malayo palang ako ay nakatunghay na sya, at ako naman, pinipilit kong tingnan sya ng deretso at nang  mapaabot ko sa kanyang hindi (raw) ako natatakot.

Ganon ang ginagawa ko,pero nawawala ang tapang ko habang papalapit ng papalapit ako sa kinaroroonan nya. Humihinto ako at minsan gusto kong bumalik sa tinahak kong daan at magpasama kay manang o manong na kahit na sino. Kapag nagpatuloy ako sa paglalakad, tumatayo sya at alertong naghihintay.Kapag ako ang huminto, nilalapitan nya ako,at nagsisilabasan ang kanyang mga kasama. Hindi ako natatakot sa mga kasama nya, wala silang dating sa akin .

Sa kanya lang ako takot, hindi dahil sa nakakatakot sya. (sya lang naman kasi ang may dating saken) Sa totoo lang, hindi sya nakakatakot,maganda yata ang lahi nya.Yung tipong malinaw ang mata, malabong na buhok,matikas na pangangatawan,magandang boses at mapuputing ngipin. 

Ang mga ganyang mga katangian ay nakakatakot para sa isang babaeng katulad ko. Babaeng 26 na pero mukhang nasa elementarya kung titingnan. Yung babaeng parang walang kamuwang muwang (sabi nila). Higit sa lahat, yung babaeng buto’t balat na hindi lumilipad (kundi lumalakad ) na hinding-hindi makakayang makipagbuno o di kaya ay kumaripas ng takbo upang maisalba ang kanyang sarili sa kapahamakan.
Ito na yata ang magiging suliranin ko sa pang araw-araw.  Sana naman ay, magsawa na sya sa kaaabang at mapagtanto nyang wala syang mapapala sa akin.

Kanina ko lang nalaman na Simon (hindi SEE-MON kundi SAI-MHEN) pala ang pangalan nya. Mabait naman raw sya pero mahilig lang talaga mang-asar.  Siguro ay kakaibiganin ko na lamang sya dahil napakahirap syang iwasan (maliban nalang kung aalis ako sa pinagtatrabahuan ko na wala pakong balak gawin).

Tama, kakaibiganin ko na nga lang.

 Hindi pako nakakagat ng aso at ayaw kong mapabilang sa talaan ng mga nagka rabies. Tsaka, buti sana kung kung isang kagat lang ang aabutin ko, paano kung habhabin nya ako? (napakasaklap naman nun)

Hayan,nahimasmasan rin.

Napapansin kong magaling akong mag ingles kapag ako’y galit at nanagalog ako pag nininerbyos at takot. Eto lang yata ang mga mabubuting bagay na napapala ko mula sa mga negatibong emosyon na to’.

ang larawang ito ay hindi akin

Hindi ito si Simon (hindi ko kilala ang asong 'to). Pero siguro ganito sya kabait tingnan nung bata pa sya.Ganito rin siguro sya ka kyut. Sana nga lang, naiwan syang mabait at nang hindi ako inaatake ng nerbyos atbp. araw-araw. hindi ako nanghihinayang kung nawala man ang kakyutan nya, dahil sabi ko nga diba, isa syang magandang gwapong nilalang ngayon.



No comments:

Post a Comment